6/14/12

5 Pinay Traits That Will Get You Killed In A Zombie Apocalypse

Kahapon, sinabi ko na natural born survivors tayong mga Pinay. Kumbaga sa peste, tayo yung mga type na mahirap puksain. We are resilient and we have this strong sense of determination every time we set our minds into doing something. Kahit saan mo itapon ang Pinay mabubuhay 'yan. 'Yan siguro ang epekto ng kakakain natin ng bigas na mayaman sa fertilizer kaya parang dinadaluyan na din ng fertilizer ang mga dugo natin kaya ganito tayo katibay. 

Saan ka ba naman nakakita ng mga taong nililindol, binabaha, pina-flashflood, niro-rotating brownout, ninanakawan ng load ng telcoms, kinukurakutan na ng gobyerno at lahat pero standing strong pa din. Kahit anong kalamidad pa ang dumating--gora! Fight, fight, fight! Nakangiti pa din tayo at ready anytime na magpa-picture. Tipong lahat ng Pinay, may itinatagong Darna sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. 


Pero syempre, kahit sinong superhero ka pa, may weaknesses ka ding itinatago. Hindi naman pwedeng nasa 'yo na ang lahat-lahat, di ba? Hindi fair yun. Lahat ng bagay sa mundo may pros and cons, Yin and Yang, Guy and Pip. Example, maganda ka. Sobrang ganda mo na laging nasa Top 1 ang pangalan mo sa listahan ng mga liligawan ng mga boys sa school nyo. Perfect na perfect ka, 'teh. Bet na bet ka ng mga kalalakihan sa buong baranggay nyo. Pero ang hindi nila alam, may itinatago ka palang madilim na sikreto. May kakambal ka palang paniki nung pinanganak ka. Sabay nagpapalit kayo ng katauhan ng kakambal mo tuwing alas-syete ng gabi hanggang alas-syete ng umaga. Shifting kayo sa anyo. Ganun 'yun. Ganun ang weakness. Dayshift lang ang peg ng ganda mo.

Anyway, ang mga Pinay kahit anong tatag niyan bilang babae, may mga weakenesseseseses din tayong nananalaytay sa dugo natin bilang mga Pilipino. Wala na tayong magagawa at di mo na maire-reklamo sa mga Tulfo yan dahil nasa lahi na natin itong mga 'to. Ang magagawa mo na lang na ikaka-benefit mo pagdating ng zombie apocalypse ay malaman ang mga weaknesses mo na maaring makapagpahamak sa 'yo in the future. Para handa ka at maagapan mo ng maaga, di ba? Disaster preparedness ang peg, ganyan. 

So, eto na. Ang limang ugaling Pinay na makaka-tegi sa 'yo pagdating ng zombie apocalypse:

1. Matakaw
Wag ka nang mag-deny. Lahat ng Pilipino, as in lahat, may katakawan sa katawan. Mahilig tayong kumain. Kaya nga kahit saan, may makikita kang nagtitinda ng mga street food. Kasehodang nasa gitna ka ng EDSA at nagliliparan sa bilis ang mga humaharurot na sasakyan, handa kang tawirin 'yun makabili lang ng fishball na nasa kabilang side ng daan. Buwis-buhay para lang maka-lafang!

Isipin mo na lang, yang katakawan na 'yan mamu-multiply by 100 times dahil magkaka-shortage na ng pagkain kapag zombie apocalypse na. Ang hirap, di ba? Wala nang Starbucks, McDonald's, Krispy Kreme at Ma Mon Luk. Mabuti sana kung mamamatay ka lang sa gutom. Eh, paano kung sa sobrang gutom at takam mo sa chickenjoy, nag-amok ka na at narinig ka ng mga zombies sa di-kalayuan? Paano kung bigla kang sinapian ni Taning at bigla mong nilafang ang stock nyo ng pagkain ng mga kasama mo sa pinagtataguan n'yo? Hindi zombie ang kakatay sa 'yo, 'Neng, pag ginawa mo 'yun. Mga kasama mo na na kapareho mong mga gutom na din.

Ang remedyo: TUBIG. Lumaklak ka na lang ng tubig, 'day. Mas healthy pa 'yan. Less calories. Hindi ka magkaka-bilbil. Sa dami ng sapa, ilog, lawa at sirang tubo ng MAYNILAD sa Pilipinas, hindi ka mawawalan ng supply ng tubig. Isipin mo na lang na nagda-diet at water therapy ka para kapag nalampasan mo ang zombie apocalypse, vavavoom ka na! Lilingunin ka ng crush mo next time na dumaan ka sa harap nya--yun eh kung buhay pa si crush.

2. Mayabang
Masakit mang tanggapin, natural na ang kayabangan sa lahi natin. Bata ka pa lang exposed ka na d'yan. Kaya nga kahit wala na kayong pambili ng bigas at ulam sa bahay, laging bagong damit ang suot mo sa tuwing bibisita kayo ng mga magulang mo sa mga kamag-anak n'yo. Parang keri lang na walang makain basta hindi mukhang mahirap. Di bale nang hindi makapagbayad at maputulan ng Meralco, basta mapanood n'yo lang yung bagong pelikula ni Marian Rivera na napanood na ng lahat ng mga kapitbahay nyo. Ayaw naman ng nanay mo na mahuli kayo sa panlalait dun sa kontrabida na umapi kay Marian dun sa pelikula, di ba?

'Yan. 'Yang ganyang level ng kayabangan ng mga Pinay ang magpapahamak sa 'yo pag may zombies na sa Pilipinas. Kahit nakikita mo na na sandamakmak na zombies ang naghihintay sa 'yo sa kanto, forward ka pa din kasi madami kang yabang sa katawan. Feeling mo kaya mo. Feeling mo kasing galing mo si FPJ sa pakikipaglaban kahit mag-isa ka lang. Feeling mo sapat na yung isang araw na Judo class na in-attend-an mo nung college ka pa ten years ago.

Ang remedyo: Maging realistic ka, 'teh. May limit ang kakayahan mo. Hindi ka forever unli. Hindi lahat ng bagay kaya mo mag-isa. No man is an island--lalo na pagdating ng zombie apocalypse. Kung gusto mong mag-survive, matuto kang lumunok ng pride chicken mo at humingi ng tulong. Tingnan mo si Mon Tulfo. Kahit martial arts expert, walang nagawa nang kuyugin siya nina Raymart, Pink t-shirt guy at ng mga higanteng braso, balakang at malapad na hita ni Claudine.

3. Tamad
Uso na ngayon ang mga Pinay na tamad. Dati mga lalaki lang ang madalas na tinatawag ng 'batugan'. Ngayon, pati mga babae ganun na din. Tanong mo pa sa nanay mo. Tamad kang maghugas ng pinggan, maglaba ng sarili mong underwear, gumawa ng assignments mo, mag-Google kung ano ang ibig sabihin ng trending topic na Zombie Apocalypse Philippines, etc. etc. Gusto mo lahat ng bagay nakahain na lahat sa harapan mo. Puro ka tulog. Feeling mo naman kapag natulog ka ng natulog, tatangkad ka pa. Matanda ka na, noh?!

Pag umabot na ang zombie virus sa Pilipinas, malamang isa ka sa mga unang makagat kasi tulog ka. Ngiting-ngiti ka pa habang nananaginip na hinahalikan ni Coco Martin ang kamay mo, 'yun pala zombie na ang nagpi-fiesta sa mga mala-kandila mong mga kamay na ni hindi nabababad sa Joy dahil hindi ka naghuhugas ng pinggan. O kaya naman, nakatakas ka nga sa zombies, pero madadapa ka naman ng bongga dahil lampa ka na. Sa sobrang katamaran mo, hindi na sanay ang katawan mo na active ka. Konting galaw, hapo ka na. Konting takbo, kala mo nakalulon ka na ng SOS (Sandata On Sakuna) dahil inaatake ka na ng hika. 

Ang remedyo: GUMALAW KA NAMAN! Pakinggan mo minsan yung sinesermon sa 'yo ng nanay mo o ng mga kasama mo sa bahay. O kung may maid o yaya ka naman, hayaan mo na ikaw na ang maglinis ng kuwarto mo. Kung career woman ka naman, imbes na mag-elevator, maghagdan ka. Kahit konting cardio activity gawin mo para lumakas-lakas naman ang baga at katawan mo para hindi ka lampa pag hinahabol ka na ng mga dedz mong kapitbahay. Tandaan mo na kapag zombie apocalypse na, wala kang ibang aasahang magliligtas sa 'yo kundi sarili mo. 

3. Tsismosa
Naku eto aaminin ko, guilty din ako dito. Bihirang-bihira sa Pinay ang hindi tsismosa. Kahit hindi ka obvious na tsismosa, yung tipong kada hapon eh nakikipag-meeting sa mga kapitbahay nyo sa ilalim ng puno ng atis sa kanto, mahilig ka naman sa showbiz tsismis kaya tsismosa ka pa din. Numero-uno tayong mga UZI pag may kaganapan. Kahit nasa kabilang kanto yung gulo, dadayuhin mo pa talaga na akala mo naman malulutas ng presence mo ang kaguguluhang nagaganap. Numero-uno tayong mga sawsawera, pakielamera, at usisera.

Kaya expect mo na, mga tsismosa sa neighborhood nyo o ikaw mismo kung tsismosa ka, ang mauunang makagat ng zombies sa inyo. Bakit 'kamo? Pag umatake yang mga yan, magkakagulo. Ikaw naman si uzi, makikiusyoso ka agad, kasehodang nagluluto ka ng pananghalian nyo o nasa kalagitnaan na ang episode ng Walang Hanggan. Kebs lahat yang mga yan dahil kailangan mong tugunan ang tawag ng laman na makapagusyoso ka sa nagaganap sa labas.

Ang remedyo: Tigilan ang pagiging tsismosa at intrigera. Stay put ka lang sa bahay nyo at makuntento sa pagsilip sa bintana. Sigurado naman isa sa mga katropa mong tsismosa, eh, hindi mapipigilang dumaan sa inyo para ibalita sa 'yo na inaatake na ng zombies ang street nyo. Isa pa, kunwari sampu na lang kayong natira sa buong salibutan dahil nakagat na ng zombies lahat ng mga tao, pag pinairal mo pagiging tsismosa mo, malamang ikaw ang unang-unang ma-vote out sa mga kasama mo dahil sa inis nila sa 'yo. Pag dumating sa point na kailangang ialay ang isa sa inyo para makaligtas ang nakararami, for sure, unanimous decision, take home mo ang korona. Queen of the damned ang peg mo dahil ikaw ang malas na ihahandog nila sa mga undead na itey.

4. Close Family Ties
Ang Pinay, kahit saang lupalop ng mundo may kamag-anak 'yan. Kahit na isang patak lang ng dugo ng lahi n'yo ang nananalaytay sa isang tao, automatic kamag-anak n'yo na 'yan. Mula pinsang-buo, kalahati, one-fourth, o one gram--wala tayong pake. Ang importante kamag-anak 'yan. Pag lumapit sa 'yo 'yan, bawal tanggihan. Kung kaya lang ng bahay nyong tagpi-tagpi na i-shelter kayong lahat, matagal na kayong naging parang sardinas sa bahay n'yo. The more the merrier. Masyadong sineryoso ng mga Pinoy ang kasabihang 'yan kaya minsan, imbes na makabuti, lalo pang nakakasama.

Sa panahon ng zombie apocalypse, habang nagkakanya-kanya sa pagsu-survive ang ibang mga lahi sa mga bansa nila, asahan mo sa Pilipinas ang mga magkakamag-anak, magkakasama at magkakadikit pa ding parang kanin. Para tayong mga Julio at Julia, kambal ng tadhana, multiply mo lang by 500. Parang isang baranggay kayong nagtatago sa isang lugar, pag tumakas, isang baranggay din ang tatakbo. Paano  naman kayo makakatakas kung kahit isang daang milya pa lang ang layo ng zombies sa inyo, kitang-kita  kayong lahat na sabay-sabay na nagsisitakbuhan? Malamang pati mga zombies sa Tawi-Tawi, mabulabog sa ingay nyo. At meron pang isang malaking risk, pag may isang nakagat sa mga kamag-anak nyo na kasama nyo, nako, wala ni isang magtatangka na magsabi na iwanan nyo na yung nakagat. Remember, bawal ang tumanggi sa mga kamag-anak. Filipino blood is thicker than Philippine water. Subukan mong sabihin na wala nang pag-asa yung kamag-anak nyo at dapat syang i-tegi na ASAP dahil magiging zombie na siya. Sigurado, sampal ang aabutin mo sa nanay o tatay o tita o lola o kahit na sinong kamag-anak mo. May kasama pa yang dialogue na:

"Anong klase kang *insert relationship with bitten relative here*??? Hindi ka na naawa sa *insert relationship with bitten relative here* mo! Hindi kita pinalaki ng ganyan! Ewan ko ba kung saan mo nakuha yang ugali na yan! Malamang yan ang napupulot mo mga barkada mo! Wala sa lahi nating mga *insert your surname here* ang mang-abandona ng kadugo!" 

Ang remedyo: Be independent. Kung noon super dependent ka sa family mo, oras na para bumukod ka. Sa totoo lang, mas malaki ang chances mong mabuhay kung mag-isa o less than five lang kayo sa grupo. Pero depende pa din sa sitwasyon to, ha. Baka naman dalawa na nga lang kayo ng nanay mo ang magkasama, bubukod ka pa? Wag kang gaga! Ang sinasabi ko lang, bumukod ka na pag alam mo naman na may kasama ang mga mahal mo sa buhay at matigas ang ulo nila na mas gusto pa nilang sumama sa mga kamag-anak nyo kesa sa 'yo. Kumbaga, kung alam mong mapapahamak na ang pulutong ng mga kamag-anak mo dahil sa kagagahan at katigasan ng ulo nila, umalis ka na. Wag mo nang hayaan ang sarili mo na madamay sa kanila. Minsan kailangan mong tiisin ang mga mahal mo sa buhay para ikaw naman ang mabuhay. Tingnan mo si Cristine Reyes. 'Nung napansin nyang laos na ang ate nya, lumayas na sya sa GMA 7 para magpasikat sa ABS-CBN. Wag mo lang sasabihan ng pokpok ang ate mo katulad ni Cristine at baka hindi ka pa nakakabukod eh kinuyog ka na ng kamag-anak mo sa ka-inggratahan mo.

5. Maarte
Maraming ayaw ang mga Pinay. Ayaw natin ng masikip, ayaw natin ng mabaho. Ayaw natin ng walang tubig. Ayaw natin ng walang pagkain. Ayaw natin ng tinatapakan tayo. Ayaw natin ng putik! Mahilig tayo sa expressions na: Eyeuwww! Yuck! Kadiri! Masyado tayong maselan samantalang sa isang third-world country naman tayo lumaki. Masyado tayong mapaghanap ng luxury samantalang dati naman, sundot-kulangot lang din ang snack mo pag recess. Mahilig na tayong mag-primadonna kahit hindi naman tayo mga artista. Piling-pili lang ang kinakain mo na ulam dahil 80% ng pagkaing Pinoy, hindi mo kinakain.

Ayoko ng striped blue headband! At mas lalong ayoko ng tipuz na bangs!
So paano na kapag zombie apocalypse na? Limited na ang supply ng pagkain at madungis ang mga tao na nakikita mong buhay pa dahil busy sila maghapon sa pag-iwas at pakikipaglaban sa mga zombies. Wala nang time para maligo at gumamit ng Rexona. Paano na kung gutom na gutom ka na pero Ginisang Ampalaya na may itlog na lang ang pagkain na nakita mo? Mag-iinarte ka pa ba? Paano kung nakasalalay ang buhay mo sa paglusong sa putik na may essence ng kalabaw? Keri mo bang lumublob sa putikan o magpapakain ka na lang sa zombies?

Ang remedyo: Bawas-bawasan ang kaartehan sa katawan--lalo na kung di ka naman kagandahan. Hindi bagay! I'm telling you, mga cowboy na Pinay lang ang magsu-survive kapag zombie apocalypse na. Kaya kung balak mong malampasan ang kalamidad na zombies ang tawag, mag-umpisa ka nang magbawas ng selan sa katawan. Sabi nga ng matatanda, 'Sa kakapili, sa bungi din pala mauuwi.' Di bale sana kung bungi ang zombie na lalafang sayo dahil sa kaartehan mo.

1 comment:

  1. ang ganda naman ng tema ng blog mo. hehehe.
    kaya tayo tinawag na land of survivors kasi lahat kaya ng problema nalalagpasan. dinadaan sa tawa at pagkanta.

    ReplyDelete