6/12/12

Zombie Attack Scenario: First Wave

Sa lahat ng bagay, may simula. 

Before the chicken crossed the road, which left the entire world wondering why the hell did the stupid chicken cross the freaking road, nauna muna tayong nagulumihanan kung ano ba talaga ang nauna: itlog o manok? Ganyan din ang zombie apocalypse. Mag-uumpisa yan sa isang kagat somewhere out there hanggang sa hindi mo namamalayan, zombie na pala katabi mo. 

Ayan na sya! Lalafangin na ang kaban ng taong-bayan, este, laman mo!


Wala akong balak i-discuss kung paano posibleng mag-umpisa ang isang zombie outbreak. Use your imagination na lang. Sa panahon ngayon, lahat posible na. Pati nga rice cooker, may lovelife na. Kung wala ka namang imagination, Google is your friend. GMG! 

Anyway, dito sa Pinay vs. Zombies, bibigyan ko kayo ng iba-ibang zombie attack scenarios na maaring mangyari sa yo any time of the day, any day of the week. Bibigyan ko din kayo ng idea kung paano malulusutan ang ganitong klaseng mga ganap. Iba na ang handa, di ba? Ayaw mo naman siguro masayang yung trip mo sa parlor para magpa-rebond tapos ngangasabin lang pala ng lintek na mga zombies ang ulo mo. Sayang ang gastos. Sabi nga ni Lumen, dapat wais!

Balik tayo sa umpisa. Pag nag-umpisa na ang zombie outbreak at nakarating na dito sa Pilipinas ang zombie virus, kailangan mong maging handa. Kung kaya mong maging ready sa mga instant photo-op nyo ng mga friends mo, dapat ganun ka din pag sinakop na ng zombies ang bansang itey. 


Eto ang 10 tips para sa mga Pinay pag nag-umpisa na ang zombie apocalypse.

1. WAG MAGPANIC.
Lahat ng mga nagpa-panic sa zombie movies, nagiging giniling na laman ang peg. So kung gusto mong mabuhay, kalimutan muna ang panic. Walang patutunguhang maganda ang panic. Wag ka nang makiuso sa mga kasama o kapitbahay mo na nagpa-panic dahil nakakahiya. Magmumukha ka lang tanga. Ayaw mo naman siguro na mangyari na sa kahuli-hulihang sandali ng buhay mo, eh nagmukha kang tanga, di ba? Asan ang Pinay pride chicken mo?

2. WAG MAGING MASYADONG KAMPANTE.
Oo, bawal mag-panic pero bawal din ang masyadong kampante. Gaga ka ba? Nakikita mo nang may mga zombies na kumakalampag sa pinto at bintana nyo, de-deadma-hin mo pa? Be aware of your surroundings. Kung wala kang pakialam sa kapitbahay nyo o sa mga tao sa paligid mo, ngayon, dapat ka nang maging aware. 

3. IBULSA ANG CELLPHONE.
Isa ito sa mga bagay na dapat nasa yo palagi. Sa first wave ng zombies sa lugar nyo, kailangan mo ng cellphone para ma-reach ang mga kapamilya at kaibigan mo. Isa ding paraan 'to para malaman mo kung dapat mo pa bang puntahan ang tropa mo para magtago sa kanila o hindi dahil zombie na pala sya. Pero bago ka gumamit ng cellphone para magtext, mag-tweet o mag-update ng FB status mo, magtago ka muna. 

4. RUN! IN TAGALOG: TAKBO, BRUHA!
Ito na ang pinaka-simple at pinakaimportanteng magagawa mo para sa sarili mo sa ganitong pagkakataon--tumakbo ka na ng mabilis na mabilis! Yung takbong walang kinabukasan ha, hindi yung takbong pa-cute na tawa ka pa ng tawa. Walang nakakatawa sa zombies, gaga! Ewan ko na lang kung matawa ka pa habang ginagawa na nilang pulutan ang mga mga laman-loob mo sa kakapa-cute mo habang tumatakbo.

5. BE MISS INDEPENDENT.
Wag ka nang umasa na sa kasagsagan ng first wave ng zombies sa lugar nyo eh dadayuhin ka pa d'yan ng boyfriend mo na taga-Zamboanga para iligtas ka. Sa pelikula at telenovela lang nangyayari ang ganung eksena! Kahit kasing ganda mo pa si Kristine Hermosa o si Marian Rivera, hindi kakayanin ng powers ng boyfriend mo na sumugod sa lugar nyo para lang tulungan ka. Imposible yun! Kaya imbes na magmaganda ka, gumawa ka na ng paraan para makaligtas ka sa mga zombies. 


6. PACK LIGHTLY.
Applicable to kapag worst case scenario na na kailangan mo nang lumayas sa bahay nyo dahil nakagat na ng  zombies ang mga tao sa bahay nyo--pati si yaya. Utang na loob, wag mo nang ilagay pa sa bag mo ang mga abubot o fashion accessories mo dahil pabigat lang yan sa bag mo at pabigat lang yan sa yo pag suot mo na at tumatakbo ka. Just bring the essentials--hindi kasama dun ang kikay kit mo. Yung totoong essentials. Ilang pirasong damit, isang pair ng rubber shoes na pamalit, ilang underwear at bra, tubig at de-lata. Don't worry, we will discuss the essential things that you should include in your survival kit sa susunod na mga posts. 

7. PATAYIN ANG PC, TV AT LAHAT NG MAINGAY NA ELECTRONICS SA BAHAY NYO.
Assuming na sa bahay nyo ka inabutan ng first wave ng zombies, mainam na patayin ang kahit anong electronic na bagay sa loob ng bahay nyo. Kung never ka pang nakapanood ng zombie movies o TV shows, ang zombies ay sound-driven. Konting ingay lang na marinig nila ay automatic na pupuntahan na nila. Kaya hangga't maari, patayin mo na ang TV nyo. Wala akong pake kahit nanonood ka ng PBB Teens at favorite show mo yan. Mas dapat mo pa ngang patayin na lang ang TV kung yan din lang ang palabas!

8. KAMUSTAHIN ANG LAGAY NG MGA MAGULANG MO.
Anong klase kang anak kung di mo aalalahanin ang mga magulang mo? Tawagan mo sila, magtext ka, mag-email o kung anu-ano pa. Siguraduhin na nasa mabuti silang kalagayan at hindi pa sila nakakagat ng zombies. 

9. USE YOUR COMMON SENSE.
Isa ito sa mga bagay na kailangan mo para mag-survive sa zombie apocalypse. Kung matagal mo na itong di ginagamit, yan na ang tamang panahon para gamitin ang common sense mo. Kung sadyang wala ka namang common sense, itigil mo na ang pagbabasa dito. Hindi ka magsu-survive, sorry. Mabuti pa na humiga ka na lang sa gitna ng kalsada pag hinahabol ka na ng zombies kesa magpagod ka pa dahil sooner or later, mamamatay ka din. Sayang ang effort, di ba?

10. BAWAL MAG-EMOTE.
Masakit mang aminin, numero unong emotera tayong mga Pinay. Kaya nga kahit paulit ulit na lang yang mga bwisit na telenovela sa TV eh madami pa ding nanonood dahil sadyang mahilig tayo sa mga makabagbag damdaming palabas. Masabihan lang ng baduy si Judy Ann, ayan na ang luha. Nangingilid na. Makita lang na pinagtatawanan ng mga classmates niya yung bidang bata sa teleserye, expect mo na, kahit mahilig ka sa mga bata, ini-imagine mo na na ang sarap pakuluan sa isang malaking kawali yung mga salbaheng bata na yan. Masyado tayong emotional. Kahit nga alam natin na character lang sa TV si Madam Claudia, sinusumpa natin sya sa mga pang-aaping ginawa nya kay Amor Powers. Pero sa panahon ng zombie apocalypse, please lang, wag ka munang magngangawa sa isang sulok at mag-emote na wala nang bukas ang naghihintay sa yo. May bukas pa--kung magsu-survive ka sa araw na yan. Kaya imbes na mag-emote ka at mabwisit lang sayo ang mga kasama mo sa pinagtataguan mo, gamitin mo na lang ang oras na 'yan para mag-isip ng magagandang tactics kung paano ka magsu-survive pati na ang mga kasama mo. Time is gold kapag zombie apocalypse na. Gamitin mo sa productive na paraan ang bawat minuto dahil malay mo, last mo na yan! Joke lang, ate. 

Ayan, may initial tips ka na sa mga gagawin mo pag nag-umpisa na ang zombie apocalypse. Actually, hindi pa sapat yan para ma-survive mo ng todo ang pagsakop ng zombies sa Pilipinas. Marami ka pang dapat matutunan. At least, ngayon, hindi ka na nga mangangapa sa dilim at alam mo na ang gagawin mo pag bigla kang hinabol ng zombie out of the blue. 



Stay alive, ladies!

x_x
pux

1 comment:

  1. makaka survive ang mga pinoy....
    sa SHELTER palang.bintana may grills.doble-doble ang pintuan.nagtaaasan ang bakod.ang gate parang kasing taas na ng 2nd floor.at daming aso.

    ang gagawin ko kapag nagkaroon ng Zombie Apocalypse deretso agad ako sa 7/11,ministop at Select.para kumuha ng mga foods.kasi kapag sa mall marami nang tao Apocalypse SALE kasi.ganun din ang gagawin ko sa zombie wave

    ReplyDelete