6/13/12

The Pinay Survivor - Part 2

ANG NAKARAAN: Ipinanganak si Inday. 

Manila, here I come!

PRESENT DAY: Dalaga na agad si Inday at balak nang lumuwas ng Maynila para mag-party party working student.

Nakatitig kayo ng nanay mo sa butas-butas na t-shirt ng tatay mo habang papalayo siya sa inyo sa sobrang sama ng loob nya na aalis ka para mag-aral at magtrabaho sa Maynila. Pero kahit na ganun ang naging eksena nang gabing iyon sa bahay nyo, natuloy pa din ang pag-alis mo dahil under-de-saya naman ang tatay mo. Nanay mo pa din ang nasusunod sa bahay nyo. Ang totoo, press release lang sa neighborhood nyo na siga at maton ang tatay mo.

Nasa Maynila ka na nang ma-realize mo na hindi pala ganun kadali ang maging working student. Kahit scholar ka sa school nyo at may trabaho ka na pantustos sa pag-aaral mo, kulang pa din ang kinikita mo bilang crew sa isang fast food chain para sa pag-aaral at pagrenta mo sa computer shop para makapag-Facebook ka araw-araw. Mabuti na lang at mabait ang mga magulang mo dahil pinapadalhan ka pa din nila ng allowance buwan-buwan para ma-treat mo naman ang mga user-friendly mong mga barkada sa Jollibee linggo-linggo. 

Years later, awa naman ng Diyos at malapit ka nang grumaduate ng Medicine. Salamat na din sa matiyaga mong pagpupuyat  para makapag-aral at makapag-reply sa mga text ng boyfriend mong si Dodong na nakilala mo sa Facebook. Salamat din sa maiingay mong mga ka-boarding house dahil hindi sila pumalya sa pag-iingay para hindi ka dalawin ng antok habang nag-aaral sa madaling-araw. 

Sa wakas makaka-graduate ka na. Isang kembot na lang naman at makakapag-licensure exam ka na para maging legit na doktor ka. Malapit mo nang matupad ang pangarap n'yo ng nanay mo. Magiging doktor ka na. Hindi mo na kailangang ma-guilty gabi-gabi dahil ikaw ang may kasalanan kung bakit binenta at ginawang pulutan ng mga lasinggero sa kanto ng baranggay nyo si Blackie para may maidagdag sa pamasahe mo nung paluwas ka ng Maynila. At least, may magandang pinatunguhan ang demise ni Blackie. 

Heto na, graduation day. Lumuwas pa ng Maynila ang parents mo para sa katangi-tanging araw ng buhay mo. Kahit overdressed ang nanay mo at underdressed naman ang tatay mo, masaya ka pa din na andun sila para sa 'yo. Keber ka na lang sa mga titig sa kanila ng mga matapobreng magulang ng mayayaman mong classmates. Sa isip-isip mo, pasalamat sila sa magulang mo dahil kung hindi dahil sa kanila, walang ikaw na pagkokopyahan ng mga classmates mo tuwing may exam. Kung hindi dahil sa 'yo, hindi makakasama sa graduation ang mga unica hija at hijo nila. Kaya wala silang karapatang lait-laitin ang bright purple floral blouse, yellow green slacks at isang set ng fake gold butterfly necklace, earrings at bracelet ng nanay mo. Tse!

Sa stage, pilit mong inaalala kung paano nga ba maglakad ng matino dahil nanginginig ang tuhod mo sa excitement habang papalapit ka sa Dean nyong may hawak ng diploma mo. Kahit malayo ka pa, ramdam na ramdam mo na ang excitement at amoy na amoy mo na ang pabangong pang-ma-thunders ng dean nyo. Kahit na-o-overwhelm ka sa amoy ng pabango ni Dean, anlapad pa din ng ngiti mo nang iabot nya sa 'yo ang diploma mong forever mong pinaghirapan. Na-realize mo din na sa dami nilang matatanda na nakalinya sa taas ng stage na kakamay sa 'yo, baldado na ang sense of smell mo bago ka pa makababa ng stage dahil lahat sila umaalingasaw ang pabangong pangmatatanda. 

But at least, naka-graduate ka na! Winner, di ba? Akala mo super hirap sa umpisa pero kapag nandun ka na sa tugatog ng tagumpay, maiisip mo na: 

'Yun lang pala 'yun? Kaya ko naman pala!'

Lumipas ang ilan pang mga taon at doktor na si Inday. Break na kayo ni Dodong pero okay lang dahil may bago ka namang manliligaw na ang pangalan ay Dominador. Sa Twitter mo na sya nakilala at mukhang promising naman ang future nyo kung kayo ang magkakatuluyan. 

Isang araw, nagulat ka na lang nang may pasyenteng humahangos na dumating sa public hospital na pinagta-trabahuhan mo. Duguan ang peg ng lalaki at parang may kumagat na nilalang sa braso nya. Hindi mo pa nahahanapan ng pupuwestuhan ang lalaking iyon dahil puno na ng pasyente ang lahat ng kama, upuan, stretcher at lamesa sa hospital nyo, eh sunud-sunod nang nagsidatingan ang mga zombies sa hospital. 

Yung lalaking pasyente na may kagat sa tabi mo, kikisay-kisay na at kakaiba na ang kulay ng balat. Mega-panic ka na deep inside pero bilang doktor, na-master mo na ang pagpo-poker face ala Lady Gaga sa harap ng mga pasyente kahit alam mong malapit na syang ma-dedz o may karima-rimarim syang sakit. Nang bigla ka nang hablutin ni boy pasyente na kulay puti na bigla ang mga mata na akmang sasakmalin ka na, alam mo na. Ito na ang panahon para tumili at tumakbo.

Nakapagtago ka sa isang stockroom na madilim. Naalala mo yung cellphone mo na nasa bulsa ng puting  coat mo. Pagbukas mo ng cellphone, sandamakmak na miss calls at text messages ang nag-aabang sa 'yo. Pati sa Twitter andaming mentions sa 'yo ni Dominador. Iisa lang ang nakalagay sa lahat. 

Zombie apocalypse na. Take care. Love You.

Super shocked ka dahil hindi ka naniniwala sa mga zombies. Naalala mo pa dati na nabasa mo ang blog na Pinay vs. Zombies at sinabi mo na nababaliw ang author nito na si Pux dahil imposibleng magkaroon ng zombies sa mundong ibabaw. Naisip mo tuloy na karma mo yan. Bwahahahahaha! 

Habang sige ka sa pag-e-emote sa loob ng stockroom dahil sa kagagahan mo noon, maiisip mo lahat ng mga pinagdaanan mong hirap sa buhay. Mula sa birth place mo hanggang sa kung nasaan ka na ngayon. Maiisip mo na gusto mo pang mabuhay at mag-survive. Kung nagawa mong mag-survive nung baby ka pa sa maduming mga kamay ni Manang Kumadrona, mas kaya mo na ngayong lumaban at mabuhay sa panahon ng zombie apocalypse. Kailangan mong patunayan kay Blackie na hindi ka papayag na mawalan ng saysay ang pagkamatay nya. 

Lalaban ka sa mga zombies dahil Pinay survivor ka! Wala ito sa mga pinagdaanan mo nun. Ipinanganak kang fighter at survivor kaya laban kung laban ang peg!

Laban! 

No comments:

Post a Comment