6/13/12

The Pinay Survivor - Part 1

Pinay Beauty, Divine Lee
The truth is, Pinays are natural born survivors. Karamihan sa mga Pinay inianak ng mga kumadrona (licensed/unlicensed). Sa mga sosyal na cities lang ng Pilipinas uso ang manganak sa hospital. Pagdating sa probinsya, sa bahay lang nanganganak ang ating mga butihing ina, assisted by the official baranggay kumadrona

Kanya-kanyang anak sa bahay ang peg. Magugulat ka na lang kinabukasan may bitbit nang sanggol sa tapat ng bahay nila yung kapitbahay nyong buntis kahapon. Nanganak na pala sya kagabi, di mo man lang namalayan. Di na kailangan ng anesthesia, isang pulutong na doktor at nurses, sterilized na kagamitan at sosyal na birthing table. Dito sa Pilipinas, mainit na tubig, facetowel, alcohol at sign of the cross lang ang kailangan ng kumadrona para makapagpaanak. 



Ikaw naman bilang sanggol, no choice ka na kundi lumabas kahit hindi ka sure kung licensed o unlicensed ba na kumadrona 'yung nakaabang sa 'yo sa 'labas'. Bakit walang surgical gloves si ate? Bakit kandila lang ang ilaw? Mineral water ba yung nasa planggana na yun? Anong meron at kumukulog at kumikidlat pa sa birthday ko? Ano ba to, eksena sa teleserye habang ipinapakita ang panganganak ng nanay ng bidang babae?!


Mas lalo ka pang nataranta nung na-feel ata ni manang kumadrona ang hesitation mo kaya sige na sya sa pagtulak sa tyan ng nanay mo para maiire ka na palabas.

'Labas na ang ulo! Sige pa, ire!!!'

Diyos ko, 'day! Ito na yung point of no return na tinatawag nila. No choice ka na talaga kundi lumabas at ma-shoot sa nahihintay na hindi sterile na mga kamay ni Manang Kumadrona. Good luck sa germs at bacteria na nakaabang sa 'yo. 

'UHAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!'

'Babae! Babae ang anak mo.' galak na galak na pag-i-inform ni Manang Kumadrona sa parents mo na parang nabunutan ng tinik ng balyena sa dibdib nang makapanganak ng maayos ang nanay mo. Proud talaga si Manang Kumadrona dahil nadagdagan na naman ang achievements na maidadagdag nya sa portfolio nya. 

Habang nagdidiwang silang lahat sa paglabas mo, ikaw naman sige ang iyak. Sa Pilipinas, magandang sign ang malakas na pag-iyak ng baby kapag bagong panganak. Wala silang kamalay-malay na kaya kanda-palahaw ka eh dahil eyeuw na eyeuw ka sa kapaligiran mo. 'Nung nasa tiyan ka pa lang ng nanay mo, sige ka na sa pag-i-imagine na sa St. Luke's ka ipapanganak ng nanay mo. Complete with hi-tech medical achuchuchu para masigurong healthy ka pagkapanganak sa 'yo. 

'Yun pala, sa bahay ka lang ng parents mo ipapanganak. Sa isang liblib na barrio na ni hindi mo ma-i-pronounce ng maayos ang pangalan. Speaking of pangalan, hindi mo din matanggap sa dinami-dami ng pangalan sa 10000000001 Baby Name Book eh tumataginting na 'INDAY' lang ang ibinigay sa 'yong pangalan ng mga 'creative' mong mga magulang. FML.

Pero sa kabila ng iyong kalunus-lunos na nakaraan, nagawa mong lumaki ng malusog at masigla. Salamat sa Tiki-Tiki na matiyagang pinapainom sa 'yo ng nanay mo araw-araw. Hindi bale nang dumayo pa sa kabilang bayan ang tatay mo para lang makabili ng Tiki-Tiki sa nag-iisang botika sa probinsya nyo. 

Nung nagkaroon ka na ng malay at nakakapagsalita ka na, natutunan mo na gusto mong maging doktor paglaki mo--salamat sa walang sawang pagtuturo sa 'yo ng nanay mo. Nalaman mo na gusto mong tulungan ang mga mahihirap at may sakit. Bilib na bilib naman sa 'yo ang mga kapitbahay nyo dahil yung ibang mga batang kalaro mo, gusto daw maging nurse paglaki. Mas mataas nga naman ang position ng doktor sa isang nurse kaya bidang bida ka sa neighborhood nyo.

Kahit di ka sagana sa laruan, nagawa mong maging masaya ang childhood mo. Kuntento ka na sa lata ng sardinas na nilalagyan mo ng tubig at punit-punit na dahon para pakuluan sa mini-kalan mo sa bakuran nyo. Natiis mo ang mga sermon at palo ng nanay mo sa 'yo dahil lagi mong ninanakaw yung posporo sa kusina n'yo. Akala ng nanay mo balak mong maging arsonista at sunugin ang bahay nyo. Kung pwede mo lang sabihin na hindi mo kailangan ng isang kaha ng posporo para sunugin ang bahay nyo dahil kahit isang palito lang, sapat na para magliyab ng husto ang buloktsina nyong bahay, sinabi mo na. Siyempre hindi mo sinabi yun dahil alam mo na kapag ginawa mo 'yun, magagalit ang Jesus.

Isang araw na lang nagulat ka dahil ginigising ka na ng nanay mo dahil papasok ka na daw. Mag-aaral ka na pala. Di mo namalayan na graduate ka na sa paglalaro sa bakuran nyo maghapon. Ito na pala ang start ng pag-abot mo sa iyong mga pangarap. Malapit ka nang maging doktor kasi mag-aaral ka na. So kahit alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw, gumising ka na at dumiretso sa banyo nyo. Shocked ka pa dahil may tubig na sa balde salamat sa maagang pag-iigib ng tatay mo sa poso sa kabilang kanto.

"Kumain kang mabuti. Hindi puwedeng hindi ka mag-aalmusal bago ka pumasok dahil kapag walang laman ang t'yan mo, mahihirapan kang makaintindi sa klase." dialogue ng nanay mo pagkatapos mong magbihis ng uniform at maupo sa hapagkainan. 

"Opo, nanay." mabait na sagot mo naman. Wala kang kamalay-malay na sa araw-araw na gagawin ng Diyos, yun na ang magiging litanya sa 'yo ng nanay mo sa umaga hanggang maumay ka. Paiba-iba lang ng tono. Minsan galit, minsan kalmado.

Pagtingin mo sa nakahain, sandamakmak na kanin at dalawang pirasong tuyo ang almusal mo. Wala ka pang kamalay-malay sa Go, Grow, Glow foods pero nararamdaman mo na na kulang sa nutrients ang almusal na 'tutulong' sa 'yo dapat para matuto sa klase. Pero kebs na. Excited ka pumasok, eh. Nagtimpla ka na lang ng kape at isinabaw yung kalahati sa kanin para madaling dumaan sa lalamunan ang breakfast mo.

Pagdating nyo sa school kasama ang tatay mo, haggard ka na. Bwisit na bwisit ka dahil bago ka umalis ng bahay nyo, abot hanggang kabilang baryo ang bango mo. Puting puti pa sa pulbo ang pagmumukha mo at ilang beses kang binuhusan ng cologne ng nanay mo. Hindi mo naman sukat akalain na apat na oras pala ang layo ng eskwelahan nyo sa bahay nyo at dadaan pa kayo sa lubak lubak na kalsada na di man lang maalalang ipa-semento ng tinamaan ng magaling na Mayor ng bayan nyo. Natural hulas na lahat ang pabango at pulbo mo. Kainez!

Mabuti na lang, halos lahat pala kayo ng mga kaklase mo galing pa sa malalayong lugar ang peg. Lahat kayo madudungis na ang anyo kahit flag ceremony pa lang. Pero pikit-mata mong tinanggap ang lahat dahil determinado kang matupad ang pangarap nyo ng nanay mo na maging doktor ka. 

'Yun lang, habang lumilipas ang mga araw at taon at nadadagdagan ang kaalaman mo sa buhay, unti-unti mong nare-realize na hindi pala ganun kadaling maging kauna-unahang doktor sa baryo nyo. Tutubuan ka pala muna ng ugat sa pag-aaral bago ka maging doktor. Nalaman mo din na karamihan ng mga nagiging doktor, nagiging caregiver na lang sa Canada. Isa pa, napag-alaman mo din sa tsismosang kapitbahay nyo na libo-libo pala ang gagastusin para makapag-aral ka ng medicine. 

Samantala, pilit kang ina-assure ng parent mo na gagawin nila ang lahat para makapag-college ka sa Maynila para matupad ang pangarap nyo ng nanay mo. Kasehodang ibenta daw nila ang lupain nyo at mga kalabaw, baboy, baka, tupa, kambing, manok, bibe, pusa at aso nyong si Blackie. 

Sa puntong iyon, hindi mo na napigilan ang sarili mong maiyak at maawa sa mga magulang mo. Nahihibang na yata sila. Wala naman kayong lupain. Wala din kayong mga hayop. Ang hayop lang na pag-aari n'yo ay ang pusang laging pumupuslit sa kusina nyo para nakawin ang ulam n'yo at si Blackie, ang childhood pet mo na twice a year kung galisin. Gustung gusto mo nang mag-give up sa pesteng pangarap na 'yan pero nagi-guilty ka sa nanay mo dahil alam mo na simple lang naman ang gusto nya--ang magkaroon ng doktorang anak na mag-aahon sa kanila sa kahirapan. Kasehodang ikaw ang mabaliw sa pag-aaral at ugatin sa kaka-review ng mga laman-loob ng tao. Anong klaseng anak ka nga naman kung yung 'simpleng' pangarap ng mga magulang mo eh hindi mo pa maibibigay sa kanila?

Mabuti na lang naalala mo yung ka-batch mong nagyayabang na luluwas daw sya sa Maynila pagka-graduate nyo ng high school. Magwo-working student daw sya para may maipantustos sa pagka-college nya sa Maynila. Sinabi pa nun na pwede namang kumuha ng scholarship sa mga universities para makalibre sa tuition. Nang sabihin mo yung idea na 'yun sa mga magulang mo, tuwang tuwa ang nanay mo. Daig pa nya ang tumama sa lotto na sobrang saya dahil may pag-asa ka pang maging doktor.

Samantala, ang tatay mo naman, lumayas agad sa bahay nyo at nagtawag ng kainuman dahil hindi matanggap na malalayo na sa kanila ang dalaga nila. Hindi din maamin sa 'yo ng tatay mo na worried sya sa 'yo dahil madami syang naririnig na horror stories sa mga probinsyanang lumuluwas at nakikipagsapalaran sa Maynila.

Naiwan tuloy kayo ng nanay mo na nagkatinginan at hindi makapagsalita habang nakatitig sa butas-butas na t-shirt ng tatay mo habang palayo siya sa bahay nyo....


VOICE OVER ANNOUNCER: Matutupad pa kaya ang pangarap ni Inday na makapag-doktor? Makaluwas kaya sya sa Maynila para makapag-aral at ma-experience ang famous Manila nightlife? Posible kaya na sa Maynila makilala ni Inday ang kanyang ka-loveteam na itatago na lang natin sa pangalang 'Dodong'? 

No comments:

Post a Comment